Binatikos ng Doctors to the Barrios (DTTB) ang Department of Health (DOH) sa kautusan nitong ilipat ang mga rural health physicians sa Regions 6 at 7 sa mga pribadong ospital sa Cebu City para mapalakas ang COVID-19 response sa lungsod.
Sa isang joint position paper, nanawagan sila sa DOH na ihinto ang tila ‘biglaan’ at ‘mapagsamantalang” kautusan na inisyu nitong June 26.
Nakasaad kasi sa kautusan na ang mga Doctors to the Barrios mula Western Visayas ay kailangang mag-report sa Cebu mula June 30 hanggang September 5 habang ang mga nasa Central Visayas ay kailangang mag-report mula June 26 hanggang July 30.
Mariing kinukondena ng grupo ang kautusan dahil ang mga doktor ay hindi naabisuhan at walang konsultasyon mula sa mga stakeholders at wala ring specific guidelines at protocols na ibinigay.
Salungat din anila ang kautusan sa DTTB Program na binuo noong 1993 na layong tugunan ang pagkukulang ng mga doktor sa rural communities.