Nasiyahan ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa kautusan ng Korte Suprema sa lahat ng mga lower court na madaliin ang paglalabas ng court order upang agad na masira ang mga iligal na droga na nakumpiska sa mga police operation.
Ayon kay PNP Chief General Archie Gamboa, agad silang hihingi ng court order sa mga concerned court kung saan may mga pending illegal drug cases para sa destruction ng mga ebidensyang droga.
Sinabi ni PNP Chief na ang mabilis na pagsira sa mga nakumpiskang kontrabando ay makatutulong para mabawasan ang responsibilidad ng mga evidence custodian.
Sa ilalim ng Circular Number 118-2020 na ipinalabas ng Korte Suprema nitong July 15, 2020, pinaalalahanan ang lahat ng mga korte na dapat sumunod ang mga ito sa Section 21 ng Republic Act 9165 kung saan responsibilidad ng korte na isailalim sa ocular inspection ang mga nakumpiskang iligal na droga sa loob ng 72 oras at sa loob ng 24 oras pagkatapos ng inspection ay dapat ipag-utos ang pagsira sa mga nakumpiskang iligal na droga.
Batay sa datos ng PNP sa unang anim na buwan ng 2020 ay nakakumpiska na ang sila ng 1.57 na tonelada ng shabu at 2.9 na tonelada ng Marijuana.