Tinapos na ng Korte Suprema ang oral argument patungkol sa usapin ng paggamit ng Vessel Monitoring System (VMS) ng mga fishing company.
Ngunit taliwas sa kahilingan ng Office of the Solicitor General (OSG), hindi muna naglabas ng temporary restraining order ang Supreme Court upang mapigilan ang pinalabas na desisyon ng Malabon Regional Trial Court (RTC) Branch 170.
Noong June 2021, naglabas ng permanent injunction ang nasabing korte na pumapabor sa mga fishing companies para ideklarang unconstitutional ang FAO 266.
Iginiit ng mga malalaking kumpanya ng pangingisda na nasisira ng kautusan ang kanilang operasyon at trade secret sa kanilang hanapbuhay.
Dahil dito, naghain ng petisyon ang Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema para ipawalambisa ang naging pasya ng mababang korte.
Sa pagtatapos ng oral argument, inatasan ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang mga partido sa usapin na maghain na lamang ng memoranda ang mga partido sa loob ng tatlumpung araw.