Ipinarerekonsidera ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) sa National Telecommunications Commission (NTC) ang inilabas nitong Cease and Desist Order laban sa ABS-CBN.
Ayon kay KBP President Ruperto ‘Jun’ Nicdao Jr., ipinagtataka nila kung bakit biglang nagbago ang panuntunan ng NTC.
Base kasi sa protocol ng NTC, basta’t nakapag-file na ng aplikasyon ang isang media network at walang utos mula sa Kongreso na itigil ang kanilang operasyon ay papayagan silang makaere.
Bukod dito, bago pa man ang lockdown, may kasunduan na aniya ang NTC at Kongreso na bibigyan ng provisional authority ang ABS-CBN para patuloy na makapag-operate habang nakabinbin ang aplikasyon nito.
Kasabay nito, hinimok din ng KBP ang Kamara at Senado na aksyunan na ang aplikasyon ng TV network.