
Sinuspinde na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang 16 nilang empleyado.
Alinsunod na rin ito sa inilabas na preventive suspension order ng Office of the Ombudsman.
Batay sa memorandum ni DPWH Secretary Vince Dizon, inatasan si Director Roseller Tolentino ng Regional Office III at OIC District Engineer Jayson Jauco ng Bulacan 1st District Engineering Office na ipatupad ang preventive suspension laban sa mga nasabing kawani.
Ang kautusan ay bunsod ng mga isinampang kaso kaugnay ng iregularidad sa mga flood control projects.
Layon ng suspensiyon na hindi maimpluwensyahan ang gumugulong na imbestigasyon.
Kabilang sa mga pinangalanang empleyado ang ilang project engineers, chief administrative officers, at iba pang staff mula sa Bulacan 1st District Engineering Office.
Inatasan din ang mga opisyal na magsumite ng kanilang compliance report sa Ombudsman sa loob ng 48 oras.









