Utos ng pangulo na ibigay ang benepisyo ng health workers sa loob ng sampung araw, mabuting ibinunga ng pagdinig ng Senado

Ikinatuwa ni Senator Richard Gordon ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay ang na-delay na benepisyo ng mga health worker sa loob ng sampung araw.

Ayon kay Gordon, mainam na sa wakas ay matatanggap na ng mga health worker ang dagdag benepisyo na dapat ay noon pa naibigay tulad ng Active Hazard Duty Pay (AHDP) at Special Risk Allowance (SRA).

Diin ni Gordon, ang pagbibigay ng tamang pasahod at benepisyo sa mga health worker ay mahalagang bahagi ng pagkakaloob sa mamamayan ng nararapat na serbisyong pangkalusugan.


Para kay Gordon, ang hakbang ng pangulo ay maituturing na mabuting ibinunga ng pagdinig ng pinamunuan niyang Senate Blue Ribbon Committee.

Ukol ito sa report ng Commission on Audit (COA) na nagpapakita sa mabagal, at may pagkakamaling paggastos ng Department of Health (DOH) sa mahigit P67 billion na pondong nakalaan pantugon sa COVID-19 pandemic.

Facebook Comments