Utos ng Pangulong Duterte na isama sa operasyon ng iligal na droga ang media, susundin ng PNP

Manila, Philippines – Walang problema sa Philippine National Police kung isasama sa kanilang mga illegal drugs operation ang miyembro ng media.

Ito ay matapos na ipag-utos mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP na magdala ng media o paunahin ang media sa lugar kung saan sila magsasagawa ng operasyon kontra iligal na droga.

Layon aniya nitong makuha ng media ang story mula sa umpisa ng operasyon hanggang sa matapos upang maiwasan na ang isyung tinataniman ng baril ng mga pulis ang mga umano’y nanlabang suspek na nasasawi sa operasyon.


Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt. Dionardo Carlos, ang presenya ng media sa operasyon ay hindi problema sa PNP.

Pero magiging pangunahing concern aniya nila ay ang kaligtasan ng media sa tuwing sasama sa operasyon.

Magkagayunpaman magiging accommodating pa rin sila sa media dahil ito ay utos ng Pangulong Duterte.

Facebook Comments