Ikinalugod ng Department of Energy (DOE) ang paglalabas ng executive order na bumubuo ng inter-agency committee para pag-aralan ang posibilidad na magamit ang nuclear power bilang pinagkukunan ng kuryente sa bansa.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, isang malaking hakbang ito tungo sa pagsusulong ng Philippine Nuclear Energy Program.
Mapapakinabangan aniya ito ng mga tao sa pamamagitan ng pagpapalakas ng energy supply levels at mapoprotektahan ang consumers sa mataas na singil sa kuryente.
Pinasalamatan ni Cusi si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda sa nasabing kautusan.
Pagtitiyak ng kalihim na makikipagtulungan ang pamahalaan sa International Atomic Energy Agency (IAEA) at iba pang eksperto para magamit ang nuclear power sa kasalukuyang energy mix ng bansa.
Ang Inter-Agency Committee ay pamumunuan ng DOE katuwang ang Department of Science and Technology (DOST).