UUMPISAHAN NA | Rail adjustment ng MRT sa bahagi ng Edsa Pasay City, sisimulan na

Manila, Philippines – Aprubado na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang gagawing rail adjustment ng Metro Rail Transit (MRT3) na inaasahang sisimulan ngayong buwan sa bahagi ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) sa Pasay City.
Ayon kay Jojo Garcia, Acting MMDA General Manager, may clearance na mula sa ahensya ang gagawing rail adjustment ng MRT na gagawin sa bahagi ng Edsa-northbound sa Tramo na preparasyon para sa karagdagang bagon.

Sinabi ni Garcia na layon ng gagawing rail adjustment na madagdagan ang kapasidad ng riles para magkasya ang apat na bagon

Paliwanag ni Garcia, sasakupin bilang work area ang 20 hanggang 30 meters ng innerlane ng Edsa sa parte ng Tramo sa tabi ng pader ng MRT.


Pinaalalahanan naman ni Garcia ang kontraktor ng proyekto na AsiaPhil na huwag lumampas sa napagkasunduang work area nang walang abiso sa MMDA at siguraduhing bukas ang apat hanggang limang lanes para sa mga dumaraang pribado at pampublikong sasakyan.

Hinihintay na lamang ng pribadong kontraktor ang clearance mula sa lokal na pamahalaan ng Pasay City at sisimulan na nila ang proyekto na inaasahang tatagal ng isang buwan

Kaugnay nito magtatalaga ang MMDA ng mga traffic enforcers kapag nag-umpisa na ang proyekto upang siguruhing hindi ito masyadong makaabala sa daloy ng trapiko.

Facebook Comments