Manila, Philippines – Posibleng ngayong gabi o bukas ay umalis na ng Senado para umuwi si Senator Antonio Trillanes IV.
Ayon kay Trillanes, ito ang ikinokonsidera niya at ng kanyang mga abogado matapos ang desisyon ng Supreme Court na nagbabasura sa kanyang petisyon kaugnay sa pagpawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang amnesty.
Diin ni Trillanes, malinaw na basehan ng pasya ng supreme court ang pahayag ni Pangulong Duterte, at pamunuan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na siya ay hindi aarestuhin.
Masaya si Trillanes at itinuturing niya itong initial victory.
Sabi ni Trillanes kung bigla syang arestuhin ay mananagot ang mga gagawa nito sa kanya dahil sa paglabag sa pasya ng kataas taasahang hukuman.
Kasabay nito ay nagpasalamat si Trillanes kay Senate President Tito Sotto III at sa mga kasamahang Senador na nagbigay ng pagkalinga sa kanya at pagprotekta sa Senado bilang institusyon.
Lubos ding pinasalamatan ni Trillanes ang kanyang mga taga-suporta na dumalaw at tumulong sa kanya at nag-alay din ng panalangin para sa kanyang kaligtasan at sa demokrasyang umiiral sa bansa.