Pinapahintulutan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bumiyahe sa susunod na linggo ang mga UV Express at mga tradisyunal na jeepney.
Sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, pinipilit ng mga mambabatas ang LTFRB na magbigay ng eksaktong petsa kung kailan maaaring magbalik operasyon ang mga tradisyunal na jeep at UV Express.
Ayon kay LTFRB Chairperson Martin Delgra III, maaari nang pumasada sa Lunes (June 29) ang mga UV Express na susundan ng mga tradisyunal na jeep.
Hindi nagbigay ng eksaktong petsa si Delgra para sa mga tradisyunal na jeep.
Sinabi ni Delgra na sinusunod nila ang hierarchy sa unti-unting pagbabalik ng pampublikong transportasyon.
Ikinukonsidera din ang kapasidad ng mga operator sa pag-manage ng kanilang units.
Nabatid na mayroong dalawang phase ang Department of Transportation (DOTr) sa pagbabalik ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila.
Phase 1, sakop ang mga tren at bus augmentation, taxis, Transport Network Vehicle Service, shuttle services, point-to-point buses, at bicycles.
Phase 2, public utility buses, modern jeepneys, at UV Express.
Ang mga tricycle ay nakadepende sa approval ng mga lokal na pamahalaan.