Posibleng payagan na ring makapamasada ang UV Express sa Metro Manila pagkatapos ng pagbabalik-operasyon ng mga modernong jeepney.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Martin Delgra III, ang technical working group na binubuo ng mga kinatawan mula sa Department of Transportation (DOTr) at LTFRB ay isinasapinal na ang guidelines para sa pagbabalik-operasyon ng mga UV Express.
Masusing binubuo ang guidelines para sa mga operator at driver ng UV Express na kailangang sundin sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Pagtitiyak ng LTFRB na puspusan na sila sa pagpapatupad ng Phase Two ng resumption ng public transportation sa Metro Manila.
Sa ilalim ng Phase 1, una nang pinayagan ang tren, P2P bus service, city buses, taxi, transport network vehicle service, shuttler services tricycles at bisikleta.
Sa Phase 2, magbabalik-operasyon ang mga modern jeepney at UV Express sa mga itinalagang ruta.