VACC at pamilya ng SAF44, nababahala na hindi mapanagot ang MILF dahil sa BOL

Manila, Philippines – Nababahala ang Volunteer Against Crime and Corruption o VACC na mawalan ng saysay ang pagkamatay ng SAF44.

Ito ay sa dahilang posibleng magbibigay ng amnestiya sa mga kasong kinakaharap ng mga ilang miyembro ng MILF ang Bangsamoro Organic Law.

Ayon kay VACC President Boy Evangelista, makalipas ang apat na taon, hindi pa rin nakakamit ng mga pamilya ng 44 na miyembro ng Special Action Force ang brutal na pagkamatay nila sa Mamasapano, Maguindanao.


Aniya, hanggang ngayon umiiyak ng hustiya ang mga pamilya ng tinaguriang SAF44.

Ibinunyag naman ni Atty. Ferdinand Topacio , abogado ng VACC na nakaranas ng pananakot at tangkang panunuhol ang ilang pamilya ng SAF44.

Kabilang sa sinampahan ng kaso ng VACC sa Office of the Ombudsman ay si dating pangulong Noynoy Aquino at si dating PNP Chief Alan Purisima at former SAF Director Getulio Napeñas.

Sa January 25 muling aalalahanin ng VACC at ng mga pamilya ng SAF44 ang ikaapat na taon pagkasawi ng mga nasawing pulis.

Magtitirik sila ng 44 na kandila kasabay ng panalangin na sana makamtan na ang katarungan na matagal na nilang minimithi.

Facebook Comments