Manila, Philippines – Nag-alok na rin ng tulong ang Volunteers Against Crime and Corruption sa pamilya ng 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz na napatay ng mga pulis nang nangholdap umano ng taxi driver sa Caloocan City.
Sinabi ni Dante Jimenez, Chairman ng VACC na hihilingin nila sa NBI na magsagawa ng parallel investigation para matiyak na walang mangyayaring pagtatakip o whitewash sa kaso.
Dapat aniya ay makita ang pattern ng dalawang kasong ito sa Caloocan lalo pa at katulad ito sa nangyari kay Kian Delos Santos.
Idinagdag ni Jimenez na isang walang kinikilangan at mabilis na imbestigasyon ang dapat na isagawa dahil naniniwala siya na hindi ito polisiya ng Duterte administration.
Hindi rin aniya ito makabubuti para sa mga pulis na matino namang gumagampan ng tungkulin sa pagbaka laban sa illegal na droga.
Kinakalap na ngayon ng VACC ang kumpletong imbestigasyong isinagawa sa kaso ni Carl Angelo at natakda na rin silang makipag ugnayan ngayong araw sa pamilya ni Carl Angelo.