Vaccination caravan para sa mga 4-wheel vehicle, ikakasa ng lokal na pamahalaan ng Maynila

Nagsagawa ng inspeksyon si Mayor Isko Moreno sa Quirino Grandstand para sa gaawing vaccination caravan para sa mga 4-wheel vehicle.

Nais kasi masiguro ng alkalde na magiging maayos ang pagbabakuna ng mga indibidwal na nais maturukan ng booster shots habang nasa loob ng kanilang sasakyan.

Simula bukas, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon ay ikakasa na ang pagbabakuna ng booster shot sa Manila Vaccination Drive-Thru sa tapat ng Quirino Grandstand kung saan nasa 300 slots ang inilaan para sa mga nasabing sasakyan.


Katumbas ito ng 1,500 na indibidwal kung saan iba’t ibang klase ng bakuna ang ilalaan dito.

Ang mga hindi naman aabot sa nasabing bilang ay bibigyan pa rin ng number para mabigyan prayoridad sa kanilang pagbalik kinabukasan.

Ayon pa kay Moreno, hindi na kailangan pa na magpa-rehistro para maka-avail ng booster shots sa drive-thru at kailangan lamang ipakita ang mga vaccination card.

Bukod dito, tatanggapin din ang mga hindi residente sa lungsod ng Maynila maging ang mga nakatira sa kalapit na lalawigan na nais maturukan ng booster shots basta’t dalhin lamang nila ang mga vaccination card na inisyu ng bawat lokal na pamahalaan.

Hangad ng Manila LGU na mabilis na maturukan ng mga booster shot ang sinumang nais na tumanggap nito at wala rin silang piniili kahit pa hindi residente sa kanilang lungsod.

Facebook Comments