Hindi pabor ang isang eksperto na gamiting pasaporte ang bakuna bilang immunization card.
Sa Save The Nation Forum ng National Press Club, sinabi ni Dr. Iggy Agbayani ng Concern Doctors and Citizens of the Philippines na dapat ay vaccination card ang tamang termino na gagamitin sa lahat ng mga nabakunahan laban sa COVID-19.
Nagkakaroon aniya ng diskriminasyon lalo na sa hanay ng mga hindi nababakuhanan o iyong walang intensyon na magpabakuna.
Binanggit din ni Dr. Agbayani na hindi lahat ay nagkasakit ng COVID- 19 gaya ng mga bata at mga malulusog na mamamayan.
Idinagdag din ng doktor na iyong mga nagkasakit ng COVID-19 na gumaling ay may anti-bodies na at dapat ay may passport na sila dahil nakarekober o gumaling na sila sa sakit.
Pinuna rin ni Dr. Agbayani ang patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa pagbabakuna na dapat ay hindi ipinipilit lalo na’t may karapatan ang lahat kung nais nila ito.
Paalala ni Dr. Agbayani, dapat may consent ng indibidwal kung babakunahan siya o hindi.
Samantala, bagaman hindi tuwirang inirerekomenda ay kinukuwestiyon din ni Dr. Agbayani kung bakit hindi pinapayagan ang paggamit ng Ivermectin sa bansa gayong isang malaking pharmaceutical company ang nakatakdang maglabas ng kahalintulad na gamot sa Disyembre ngayong taon ngunit mas mataas ang presyo.