Hinikayat ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go ang pamahalaan na paigtingin pa ang vaccination efforts para malabanan ang sakit na COVID-19.
Ginawa ng senador ang panawagan sa gitna na rin ng planong pag-iisyu ng executive order ni Pangulong Bongbong Marcos para payagan na gawing boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask sa indoor areas.
Ayon kay Go, muli siyang umaapela sa gobyerno na palakasin pa ang bakunahan sa bansa partikular na sa pagpapataas ng booster rate sa bansa.
Tinukoy ng senador na sa buong Southeast Asia, ang Pilipinas ang may pinakamababang rate ng mga naturukan ng booster laban sa COVID-19.
Dala na rin aniya ng patuloy na banta sa kalusugan at buhay ng mabilis na pag-evolve ng mga variant ng virus, binigyang-diin ni Go na ang bakuna ang nananatiling armas para malagpasan ang pandemya.