Umapela si Assistant Majority Leader Fidel Nograles sa Local Government Units (LGUs) na paigtingin pa ng husto ang information drive kaugnay sa kahalagahan na maprotektahan laban sa COVID-19.
Aminado kasi ang pamahalaan na bumagal ang rate ng bakunahan sa bansa nitong mga nakalipas na linggo.
Ayon kay Nograles, malaki ang maitutulong kung mismong ang mga local official ang susuyod sa mga barangay para mabigyan ng impormasyon at tamang kaalaman ang mga tao tungkol sa pagiging ligtas at epektibo ng bakuna na ibinibigay ng gobyerno.
Punto pa ng mambabatas na mahalagang maipaunawa sa mamamayan na ang pagiging bakunado ay hindi lang mahalaga sa public health kundi pati na rin sa pagbuhay sa ekonomiya.
Para naman matugunan ang pagaalinlangan sa bakuna ng mga tao ay maaaring bigyan ang mga magpapabakuna ng benepisyo tulad ng exemption sa curfew hours at malayang paggawa ng ilang mga aktibidad sa labas ng tahanan.
Dagdag ng mambabatas na kailangang gawin ang lahat ng paraan para mas marami ang mabakunahan at matiyak ang pagkamit sa herd immunity.