Inaatasan ni Deputy Speaker at Manila Rep. Benny Abante ang House Committee on Health na imbestigahan ang vaccination plan ng pamahalaan.
Sa House Resolution No. 1573 ni Abante ay pinakikilos nito ang komite na silipin ang vaccination plan ng gobyerno sa harap na rin ng nalalapit na roll-out ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Pinabubusisi ng kongresista ang gagawing implementasyon ng Philippine National Deployment and Vaccination Plan for COVID-19 Vaccines (NDVP) mula sa pagkuha ng supplies hanggang sa mismong pagbabakuna.
Iginiit ng mambabatas ang kahalagahan ng congressional oversight dahil ang implementasyon ng vaccination plan ay makaaapekto sa kanilang constituents.
Inaprubahan at niratipikahan ng gobyerno ang vaccination plan para sa COVID-19 vaccines noong Enero.
Inaatasang magpatupad nito ang National Task Force, ang regional at local COVID-19 counterparts nito, gayundin ang regional at local COVID-19 vaccination operations centers.