Bahagyang bumagal ang national vaccination ng pamahalaan habang nasa ilalim ng 2 linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang ilang bahagi ng bansa.
Ito ang obserbasyon ni Dr. Ted Herbosa, medical adviser ng National Task Force (NTF) Against COVID-19.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Herbosa na mula sa dating 700,000 daily jabs ay bumaba ito sa 500,000 daily jabs noong lockdown.
Ani Dr. Herbosa, ang kakulangan sa manpower at ang hindi steady na suplay na mga bakuna ang dahilan ng pagbagal ng pagbabakuna.
Kaya naman base aniya sa resulta ng kanilang pulong sa NTF, plano nilang gamitin na rin ang graduating medical students bilang vaccinators.
Paliwanag nito, sumailalim naman sa training ang mga ito at kayang-kaya nilang magbakuna.
Maglalaan naman ng allowance sa volunteer graduating medical students na gagawing vaccinators kung saan approval na lamang ang hinihintay.
Kasunod nito, umaasa si Herbosa na sa pamamagitan ng mga karagdagang vaccinators ay magtuloy-tuloy ang bakunahan pagkatapos ng panahon ng ECQ sa Biyernes, August 20.
Sa naunang datos, nasa 40% na ang mga nababakunahan sa National Capital Region (NCR) mula ‘yan sa target na 50-70% kabuuang eligible population upang makamit ang population protection.