Muling ipagpapatuloy ngayong araw ng pamahalaan ang kanilang vaccination program para sa mga medical health worker sa iba’t ibang ospital sa Metro Manila.
May temang “Resbakuna: Kasangga ng BIDA; Sama-Sama Tayo sa BIDA BAKUNATION” isasagawa ang vaccination sa anim na malalaking hospital simula mamayang alas-9:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon.
Alas-9:09 ng umaga, sisimulan ang pagbabakuna sa East Avenue Medical Center sa Quezon City kung saan dadalo si Health Secretary Francisco Duque III.
Alas-9:30 ng umaga sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan habang alas-10:30 ng umaga sa The Medical City sa Pasig City.
Alas-11:00 ng umaga sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City sa Taguig kung saan magkasabay naman sa alas-2:00 ng hapon ang St. Luke’s Medical Center sa Quezon City at Valenzuela Medical Center sa Valenzuela City.
Sa kabila nito, patuloy na naka-monitor ang Department of Health (DOH) sa anumang adversed effect ng sinovac vaccines sa mga nabakunahan nito.
Matatandaang sa unang araw ng symbolic vaccination, ilan sa mga nabakunahan ay nakaranas ng common at minor adverse effect tulad ng pagtaas ng presyon, pananakit ng nabakunahang braso, pagkakaron ng rashes, pananakit ng ulo at parang nasusuka o naduduwal.
Samantala sa Lungsod ng Maynila, ipagpapatuloy ngayong alas-8:00 ng umaga ang pagbabakuna sa mga medical frontliners sa Sta. Ana Hospital na dadaluhan ni Manila Mayor Isko Moreno at iba pang opisyal ng lungsod.