Vaccination program tutukan, bago ang halalan- Abante

Pinatututok muna ni Deputy Speaker Benny Abante sa pamahalaan, mga kaalyado at maging sa oposisyon ang COVID-19 vaccination program sa halip na kung sino ang iluluklok na Presidente sa 2022 elections.

Kasunod na rin ito ng pagtutulak ng iba’t ibang grupo o partido kina Vice President Leni Robredo, Davao City Mayor Sara Duterte at maging si Senator Christopher “Bong” Go para sa nalalapit na halalan sa susunod na taon.

Giit dito ni Abante, ngayon ay pambihirang pagkakataon kung saan masyado pang maaga para pag-usapan na ang halalan.


Aniya pa, inuulit lamang niya ang sentimyento ng publiko na mas inaalala ang pandemya kumpara sa pulitika at mas prayoridad ang bakuna kesa sa pagboto.

Kung si Albay Rep. Joey Salceda ang tatanungin, maganda rin na may ganitong usapin upang matimbang at malaman ng taumbayan kung anong klaseng pinuno ng bansa ang nararapat na maihalal sa 2022.

Pero, ayaw naman ni Salceda na isipin na ng publiko na nasa “lame duck phase” o unti-unti nang nawawala ang impluwensya ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil patapos na ang termino nito at may iba ng mga pangalan ang pinalulutang sa eleksyon.

Sa tingin ng kongresista, malabo rin na magkaroon ng “lame duck phase” ang Duterte Presidency lalo pa’t nananatili itong popular sa mga Pilipino.

Facebook Comments