Pinasisilip ng Makabayan sa Kamara ang implementasyon sa memorandum ng Department of Education (DepEd) kaugnay sa vaccination requirement sa mga gurong magre-report on-site o papasok sa mga paaralan.
Sa ilalim ng DepEd Task Force COVID-19 Memorandum no. 575 kaugnay sa Inter-Agency Task Force (IATF) Vaccination Requirement, nakasaad na simula Dec. 1, 2021, ang mga unvaccinated na papasok sa trabaho ay kinakailangang magpasa sa employer ng negative result ng RT-PCR o antigen test at ang gastos para rito ay sasagutin ng empleyado.
Ayon kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, ilang reklamo na ang kanilang natanggap katulad ng hindi pagpirma sa daily time record ng guro dahil unvaccinated ito at pinakamalala pa ang termination na ipinatupad ng isang private school dahil sa pagtanggi ng ilang guro na magpabakuna dahil sa mga personal na kadahilanan.
Bagamat nilinaw naman ng IATF at DepEd na hindi mandatory ang pagpapabakuna, hindi naman maikatwiran ng mga guro ang kanilang relihiyon, kultura, paniniwala at medikal na kondisyon kaya sila’y unvaccinated dahil mistulang “de facto mandatory” ang pagpapabakuna.
Tinukoy pa ni Castro na maraming lugar pa sa bansa ang hindi sapat ang suplay ng bakuna kaya mali na ipatupad ang ganitong kautusan na naglilimita at lumalabag sa karapatang pantao.
Bunsod nito ay inatasan ng Makabayan sa inihaing House Resolution 2479 ang House Committee on Basic Education and Culture na siyasatin “in aid of legislation” ang nasabing vaccination requirement sa mga guro.