Ipinapasapubliko ng ilang mga kongresista ang vaccination status ng mga opisyal, tauhan at mga mag-aaral sa lahat ng mga paaralan.
Kasunod na rin ito ng pag-arangkada ng malawakang bakunahan sa mga menor de edad sa buong bansa at ang pagsisimula ng limited na face-to-face classes.
Hiniling ni House Public Accounts Vice Chairperson Angelica Natasha Co sa Department of Education (DepEd) at sa Commission on Higher Education (CHED) na magbigay ng regular update sa COVID vaccination status sa mga eskwelahan.
Kailangan aniya ang full disclosure kung gaano karami na ang fully-vaccinated, partially-vaccinated, ayaw magpabakuna at hindi makakuha ng bakuna.
Giit ng mambabatas, ito aniya ay mahalaga sa interes ng publiko dahil ang impormasyon ay gagamitin para sa budgeting purposes, at operations planning ng CHED, DepEd, Technical Education and Skills Development Authority o TESDA, at Department of Science and Technology o DOST.
Hinihingi rin ng kongresista ang statistics sa mga paaralan kung ilan ang mga nagkasakit ng COVID, na-ospital at namatay.
Ito naman ay para ma-notify o maipaalam sa kaukulang ahensya ang sitwasyon at para makapagbigay agad ng nararapat na tulong para sa mga nagkasakit.
Sa ganito aniyang paraan ay makakampante ang mga magulang dahil matitiyak na ligtas ang pagbabalik-paaralan ng kanilang mga anak.