Iminungkahi ng Vaccine Experts Panel (VEP) ng Department of Science and Technology (DOST) na itaas ang target na bilang ng mga taong kailangang mabakunahan laban sa COVID-19 sa gitna na rin ng banta ng Delta variant.
Nabatid na target ng gobyerno na mabakunahan ang 70-porsyento ng populasyon para makamit ang herd immunity sa katapusan ng taon.
Ayon kay VEP Chairperson Dr. Nina Gloriani, kung dati ay 60 hanggang 70-percent lang ang target, ay dapat itong itaas sa 85 hanggang 90-percent.
Sinabi naman ni Infectious Disease expert Dr. Rontgene Solante, hindi sapat ang pag-abot sa target na 70-percent lalo na at may mas nakakahawang variant.
Kailangang mabakunahan ang mayorya ng populasyon para maiwasan ang symptomatic infections.
Para naman kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang priority ng COVID-19 immunization drive ay ang mga nasa ilalim ng A group kabilang ang nasa frontline health services, senior citizens, persons with comorbidities, frontliner personnel sa essential sectors, kabilang ang uniformed personnel at indigent population.
Ang pagbubukas ng vaccination sa B at C groups ay tatalakayin sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF).