Cauayan City, Isabela- Nasa 94% na ang naabot na vaccination rate ng Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Gng. Nareta Maximo, chief of nurse ng Cauayan City Health Office, as of December 15, 2021, nakapagbakuna na ang Lungsod ng 94 porsyento.
Kaugnay nito, kinakailangan pa aniya na makapag bakuna ang Lungsod ng 6,000 katao para makamit ang 100 porsyento na vaccination rate ng Cauayan City.
Pero, sinabi pa rin ni Maximo na kahit maabot ng lungsod ang 100% na vaccination rate ay hindi pa rin aniya hihinto ang kanilang vaccination activity hanggat mayroon pang supply ng bakuna at indibidwal na nais magpabakuna.
Patuloy naman ang kanilang paghikayat at panawagan sa mga Cauayeño na huwag matakot magpabakuna para magkaroon ng sapat na proteksyon sa sarili lalo na at mayroon nanamang lumabas bagong variant ng COVID-19 na Omicron.
Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang ginagawang pagbabakuna sa mga vaccination sites sa Lungsod ng Cauayan para sa mga nasa edad 12 hanggang 17 at 18 taong gulang pataas.
Sinimulan na rin ang pagtuturok ng booster shot na Pfizer sa Lungsod para sa mga healthcare workers, senior citizens at may comorbidity na ‘Fully Vaccinated” at mayroon ng anim (6) na buwang nakalipas mula nang matanggap ang second dose ng kanilang bakuna maliban lamang sa mga nakapagpabakuna ng Janssen.