Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr., nilinaw na pwedeng gamitin ang Sinopharm vaccine dahil aprubado ng China; LGUs, kailangang may basbas sa pag-aangkat ng bakuna

Nilinaw ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na maaaring gamitin ang COVID-19 vaccine na Sinopharm dahil may pahintulot ito mula sa Chinese Government.

Nabatid na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Sinopharm ang ginamit na bakuna ng Presidential Security Group (PSG) kahit hindi pa aprubado mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Ayon kay Galvez, inaprubahan ng China ang Emergency Use Authorization (EUA) ng Sinopharm para magamit ito ng general public.


May ilang bakuna rin galing ng China ang may basbas na magamit sa iba’t ibang paraan.

Sinabi rin ni Galvez na binigyan ng “stringent authority” sa US at UK ang bakuna ng Pfizer, Moderna at Astrazeneca.

Iniulat din ni Galvez na nasa 100 bakuna ang sinisilip ng gobyerno kung saan ilan dito ay malapit na sa Phase 3 trials gaya ng Sinovac, Sinopharm, Astrazeneca, at Pfizer.

Sa interview sa RMN Manila, nilinaw ni FDA Director General Eric Domingo na hindi pinapayagang mag-angkat ng gamot ang mga Local Government Unit (LGU) dahil hindi naman market authorization ang ibibigay sa bakuna.

Nilinaw ni Domingo na kailangan pa ring dumaan ang vaccine manufacturer sa Department of Health (DOH) at sa COVID-19 Task Force.

Umaasa ang FDA na magkakaroon na ng initial report sa imbestigasyon hinggil sa pagpuslit ng mga hindi rehistradong bakuna ngayong linggo.

Facebook Comments