Lubos ang pasasalamat ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. sa COVAX Facility sa donasyon nilang bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Galvez, sa pagdating ng 38,400 doses ng COVID-19 vaccine ng AstraZeneca, nakumpleto na ang 525,600 doses na inilaan ng COVAX facility sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Galvez na kaya na-delay ang pagdating bakuna ay maaaring hindi na nagkasaya ang mga bakuna sa unang batch ng pagdating nito noong Huwebes kaya’t isinabay na ito sa commercial flight.
Dagdag pa ng kalihim, sa ngayon mayroon nang 1.1 million doses ng bakuna kontra COVID-19 ang bansa na ilalaan para sa healthcare workers.
Aniya, nasa 54,500 na AstraZeneca vaccine ang na-deploy na sa iba’t-ibang hospital sa National Capital Region (NCR) Region 4-A, Cordillera Adminsitrative Region (CAR) at Central Luzon.
Sa mga susunod na araw, nakatakdang i-deploy ng pamahaalaan ang nasa 240,720 na bakuna ng AstraZeneca sa buong bansa partikular sa mga rehiyon na may mataas na kaso ng COVID-19.
Nakapagdala na rin ang pamahalaan ng 317,350 na Sinovac vaccine sa Culion, Palawan; Bontoc, Mountain Province, Marinduque; BARMM at sa Basilan.
Inaasahan naman ni Galvez na sa mga susunod na araw ay darating na ang 1.4 million na doses ng Sinovac vaccine kung saan ang 400,000 ay ang karagdagang donasyon ng China habang ang isang milyon naman ang nabili ng pamahalaan.
Bukod dito, umaasa rin si Galvez na makakapagpadala ng second tranche ng bakuna ang COVAX facility.
Sinabi pa ng kalihim na maaaring sa buwan ng Abril ay makakapagsimula na silang makapagbigay ng bakuna sa ibang sektor habang sa buwan ng Mayo ay posibleng matatapos na ang pagbibigay ng bakuna sa mga hospital.