Binigyang-diin ng Food and Drug Administration (FDA) ang kahalagahan na magkaroon ng kinatawan sa bansa ang mga vaccine developer.
Kasunod ito ng pagkwestiyon ng Kongreso sa FDA kung bakit kinakailangan pang magkaroon ng license to operate ng mga supplier ng bakuna gayong dagdag requirement lamang ito.
Paliwanag ni FDA Director General Eric Domingo, dapat na mayroong opisina sa bansa ang mga vaccine supplier para mayroong mananagot sakaling may makitang problema sa mga bakuna.
“Hindi naman po pwede na ang kausap niyo ay nasa Russia. Tapos pagdating dito sa pier, kung may problema ay nasa Russia ang kausap natin. Kailangan meron pong mananagot dito sa kalidad ng produkto nila na nandito sa Pilipinas,” ani Domingo sa interview ng RMN Manila.
“At yung mananagot na yun dito dapat ay mayroong license to operate as an importer, distributor of a pharmaceutical product kasi kailangan po alam natin na marunong siyang mag-handle ng gamot at alam niya ang kanyang ginagawa,” dagdag pa niya.
Samantala, inaasahang mas maagang makakapag-deliver ng COVID-19 vaccine sa bansa ang Moderna.
Sa halip na sa Setyembre, posibleng dumating na ang mga bakuna sa Mayo.
Habang hindi pa rin nabibigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) sa bansa ang Sinovac dahil hinihintay pa ng FDA ang interim results ng kanilang Phase 3 clinical trials sa Brazil, Turkey at Indonesia.
Samantala, kahit may negosasyon na ang bansa sa pagkuha ng suplay ng Pfizer, nilinaw ng FDA na maaari pa ring bawiin o kaya’y rebisahin ang EUA nito kung hindi naman seryoso ang problema.