Hinihintay na lamang ng ating vaccine expert panel ang paghahain ng inamyendahang Emergency Use Authorization (EUA) ng Pfizer upang kanila itong mapag-aralan at magamit na rin sa mga edad 12-15 years old.
Ito ay makaraang bigyan ng United States’ Food and Drug Administration ng go signal ang Pfizer para maiturok ang bakuna sa nasabing age group.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Nina Gloriani, pinuno ng vaccine expert panel ng Department of Science and Technology (DOST) na hinihintay na lamang nila ang Pfizer na magsumite ng amended EUA upang mabakunahan maging ang mga edad 12-15 years old na hindi pa maaaring gawin ngayon sa ibang mga available na bakuna panlaban sa COVID-19.
Nabatid na ang umiiral na EUA para sa Pfizer sa ngayon ay para lamang sa mga 16 years old at pataas.
Nasa 193,050 doses naman ng Pfizer ang atin nang natanggap mula sa World Health Organization-led COVAX Facility na ituturok sa A1 hanggang A3 priority list groups.