Iginiit ng vaccine expert na ang COVID-19 booster shots ay dapat maimbestigahan, mapag-aralan at mayroong rekomendasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Dahil sa paglaganap ng iba’t ibang variants sa mundo, inanunsyo ng Pfizer na gumagawa na sila ng booster shot para sa kanilang COVID-19 vaccine.
Ang booster shot na ito ay target ang mga nakakahawang variants tulad ng Delta, na kasakuluyang kumalat na sa higit 100 bansa.
Pero ayon kay Philippine Foundation for Vaccination Executive Director Dr. Lulu Bravo, ang mga pag-aaral ukol sa COVID-19 booster shots ay hindi pa sapat.
Sinabi rin ni Dr. Bravo na kailangang ikonsidera lalo na ang availability ng bakuna.
Iginiit naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na wala pang sapat na ebidensya at siyensya na sumusuporta ukol sa booster shots kaya hindi pa nila maaaring irekomenda ito.
Apela ni Vergeire sa publiko na magtiwala sa mga kasalukuyang available na bakuna dahil nababawasan nito ang malalang impeksyon, hospitalizations, at kamatayan.
Nabatid na target ng pamahalaan na mabakunahan ang 70-porsyento ng populasyon sa 2021 para makamit ang herd immunity.