Kinumpirma ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na pinaplantsa na ang paghahatid sa kanilang lalawigan ng COVID Vaccine Express na programa ni Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Rodriguez, apat na lugar sa CDO ang inisyal na mabibigyan ng bakuna kung saan target ang nasa 20,000 tricycle drivers, habal-habal, motorcycle, jeepney, taxi at maging market vendor.
Maliban sa CDO, handa rin aniya ang Office of the Vice President (OVP) na dalhin ang vaccine express sa ilan pang lugar sa Visayas at Mindanao maging sa Davao City.
Una nang sinabi ni Atty. Barry Gutierrez, Tagapagsalita ni Robredo na handa nilang tulungan din ang Davao City sa paglaban sa COVID-19 kung hindi haharangin ni Mayor Sara Duterte at aakusahan ng pamumulitika.
Giit ni Gutierrez, hindi pamumulitika ang ginagawa ni Robredo taliwas sa akusasyon ni Mayor Duterte.
Matatandaang nagbigay ng suhestiyon si Robredo sa Davao City na gayahin ang sistema ng Cebu City para pababain ang COVID-19 cases matapos magtala ng pinakamataas na kaso sa buong Southern Mindanao noong unang linggo ng Hunyo.
Pero hindi ito tinanggap ni Mayor Duterte at sinabihan si Robredo na iwasan ang pagbibgay ng advice kung wala naman itong alam sa kung ano ang nangyayari sa ground.