Vaccine hesitancy ng mga Pinoy, bumaba na sa 10%

Bumaba na sa 10% ang vaccine hesitancy ng mga Pilipino kontra COVID-19.

Ayon kay Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega, naghahanap na ng paraan ang gobyerno para mahikayat na ring magpabakuna ang 10% vaccine-hesitant population sa pamamagitan ng pagha-house-to-house.

Noong Sabado, sinabi ng Department of Health (DOH) na bigo ang pamahalaan na mabakunahan ang target na 5 milyong indibidwal sa third round ng “Bayanihan, Bakunahan” na isinagawa mula Pebrero 10 hanggang 18.


Ayon sa kagawaran, 3.5 milyon lamang ang nabakunahan 7 araw na national vaccination drive.

Sabi ni Vega, hindi naabot ng gobyerno ang target nito dahil mabagal pa rin ang pagbabakuna sa ilang lugar sa Mindanao partikular sa naapektuhan ng Bagyong Odette.

Gayunpaman, tiniyak ni Vega na magpapatuloy ang pagbabakuna sa bansa hanggang sa maabot ang target na 77 milyong Pilipino hanggang sa katapusan ng Marso.

Nabatid na target ng pamahalaang makakumpleto sa COVID-19 vaccine ang 90 milyong Pilipino bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30.

Facebook Comments