Wala pang nagki-claim ng vaccine injury compensation package ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni PhilHealth Vice President for Corporate Affairs Dr. Shirley Domingo, na nasa ₱100,000 ang maximum na maaaring ibayad ng PhilHealth sa pagpapaospital ng mga indibidwal na nakaranas ng severe adverse event muna sa bakuna.
Nilinaw ni Dr. Domingo na para lamang ito sa mga proven case o mga napatunayan na ang bakuna nga ang dahilan ng kanilang severe adverse event.
Sa oras aniya na mauwi sa permanent disability ang kaso ng isang indibidwal o mauwi ito sa kamatayan, magbibigay rin ng one-time na ₱100, 000 ang PhilHealth.
Sa kasalukuyan aniya, mayroon silang isang kaso na inaaral kung talagang dahil sa COVID-19 vaccine ang claim nito.