Vaccine mix & match clinical trial sa bansa, aarangkada na sa susunod na buwan

Sisimulan na bago matapos ang buwan ng Hunyo o sa Hulyo ang vaccine mix & match clinical trial sa bansa.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Rowena Guevarra na sa ngayon ay nasa proseso na sila nang pagpapasa ng mga rekisitos sa Food and Drug Administration (FDA) at kinakailangang makapasa ito sa ethics review board upang tuluyan nang makapagsimula ang nasabing trial.

Ayon kay Guevarra, dalawang klase ng vaccine mix & match trial ang kanilang gagawin.


Una rito ang paggamit ng dalawang brand ng bakuna at ang ikalawa ay ang paggamit ng magkaparehong brand ng bakuna at titignan kung kailangan pang gumamit ng iba pang brand ng bakuna na magsisilbi bilang booster shot.

Sinabi pa ni Guevarra na pupwedeng isali sa trial kung anong mga bakuna ang mayroon na sa bansa.

Aniya, 18 buwan ang gugugulin ng mga eksperto sa nasabing vaccine mix & match trial kung saan sa ikatlong buwan ng pag-aaral ay maglalabas sila ng initial result upang mabatid kung maaaring paghaluin ang dalawang magkaibang brand ng bakuna at kung ano ang posibleng epekto nito sa isang indibidwal.

Facebook Comments