Vaccine passport, inihirit ng isang senador para sa mga umuuwing OFW, at dayuhang negosyante

Inirekomenda ni Senador Panfilo Lacson na magkaroon ng vaccine passport para hindi na maabala ang paggalaw ng mga umuuwing Overseas Filipino Worker (OFW) at mga dayuhang negosyante na ganap nang bakunado sa mga bansa na kanilang pinanggalingan.

Tugon ito ni Lacson sa samu’t saring reklamo ng mga pumapasok sa bansa sa napakahigpit na protocol na ipinapatupad kahit sa mga kumpleto na ang bakuna laban sa COVID-19 sa mga bansang pinagmulan.

Ayon kay Lacson, dahil sa mga polisiyang ito ay nagdadalawang-isip na umuwi ang maraming OFWs kahit pa napakahalaga ang pakay nila.


Sabi ni Lacson, dahilan din ito para magdalawang isip ang mga dayuhang magtutungo sana sa bansa para maglagak ng puhunan.

Bunsod nito ay hinikayat ni Lacson ang Inter-Agency Task Force (IATF) na itono ng maayos ang mga pinaiiral na protocol batay sa mga bansang pinanggalingan upang hindi na maabala pa ang mga dumarating sa Pilipinas.

Bukod dito ay iginiit din ni Lacson na bigyan ng kalayaan ang mga pinuno ng mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng sistema laban sa COVID-19 batay sa sitwasyong personal na nakikita at karanasan ng mga ito.

Facebook Comments