Vaccine rollout sa labas ng Metro Manila, umarangkada na!

Umarangkada na ngayong araw ang vaccination program sa Antipolo, ang kauna-unahang lugar labas ng National Capital Region na nagsagawa ng pagbabakuna.

Personal na sinaksihan nina Testing Czar Vince Dizon, MMDA General Manager Jojo Garcia at ilang matataas na opisyal ng Department of Health (DOH)-CALABARZON ang pagbabakuna sa Antipolo Provincial Hospital.

Nasa 100 mula sa halos 300 healthcare workers ang target na mabakunahan ngayong araw gamit ang Sinovac vaccines.


Ayon kay Antipolo Public Information Office Chief Jun Ynares, mataas ang kumpiyansa ng mga healthcare workers sa Sinovac.

Katunayan aniya, kulang ang 300 doses na kanilang natanggap dahil 500 ang nagpalista sa kanila para magpabakuna.

Samantala, mamayang ala una ng hapon, aarangkada na rin ang vaccine rollout sa Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) sa Cebu City matapos na dumating sa lungsod ang 7,200 doses ng Sinovac noong Martes.

Sinasabing mula sa 1,994 na gustong magpabakuna, 800 lang ang nagsabing handa silang magpaturok ng Chinese-made vaccine.

Bukas naman magsisimula ang pagbabakuna sa Davao City habang sa loob ng linggong ito inaasahang darating ang bakuna ng Sinovac sa Palawan.

Facebook Comments