Iminungkahi ni Senator Francis Tolentino, ang pagpapatupad ng ‘vaccine upon arrival’ policy o pagbabakuna sa mga hindi bakunadong turista na darating sa bansa.
Suhestyon ito ni Tolentino sa harap ng napipintong pagluluwag sa kasalukuyang ipinatutupad na health protocols dahil sa patuloy na pagbaba sa bilang ng COVID-19 infections sa bansa.
Paliwanag ni Tolentino, mas makakaengganyo ng mas maraming dayuhang bisita sa bansa kung gagayahin ang diskarte ng maraming tourist hotspots sa iba’t ibang panig ng mundo na nagpapatupad ng ‘vaccine upon arrival’ policy.
Ayon kay Tolentino, kung papayagang makapasok sa bansa ang mga hindi bakunadong dayuhan kahit galing sa ‘red list’ countries, mainam na mabigyan sila ng bakuna pagdating sa ating paliparan tulad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Giit ni Tolentino, hindi lamang muling palalakasin ng ‘vaccine upon arrival’ policy ang turismo ng bansa, kundi mapapawi rin nito ang pangamba na muling magka surge sa COVID-19 infection dahil sa muling pagdating ng maraming dayuhan.
Tinukoy ni Tolentino na base sa tala ng Bureau of Immigration (BI) ay inaasahang aangat ng mahigit sa 30% ang foreign arrivals sa bansa dahil sa muling pagbubukas ng border, dalawang taon mula ng ito’y isara dahil sa pandemya