Iginiit ng Department of Health (DOH) na maliit na porsyento lang ng biniling bakuna ng pamahalaan ang nasayang.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Health Officer-in-Charge Usec. Maria Rosario Vergeire na sa 134 million doses na biniling COVID-19 vaccines ng gobyerno, 2.9 million doses lang dito ang na-expire o nasa 2.97% na vaccine wastage.
Katumbas ito ng P1.99 billion na halaga kung ang kada dose ng bakuna ay nasa P500.
Batay aniya sa kanilang inventory, sa 44 million na nasayang na bakuna malaking porsyento dito ay vaccine wastage sa private sector na nasa 44.82% habang 33.34% naman sa mga Local Government Unit (LGU).
Samantala, sa pagbibigay naman ng second booster sa general population hinihintay pa ng ahensya ang dagdag na pag-aaral tungkol dito.
Sa pagbili naman ng bivalent vaccine, plano ng DOH na bumili ng 5 million doses sa susunod na taon subalit hinihintay pa ng ahensya ang ’emergency use authorization’ o EUA mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Nais din ng DOH na ubusin muna ang natitirang suplay ng bakuna sa bansa.