Hiniling na rin ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) para magsagawa ng independent investigation kaugnay sa pagkamatay ng isang 18-anyos na binata na may special needs sa Valenzuela City.
Nakikipag-ugnayan na ang alkalde sa NBI para sa mabilis na pagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon dito.
Sinasabing nabaril ng pulis si Edwin Arnigo sa anti-tupada operation sa Brgy. Lingunan kahapon.
Ngayong araw ay nakausap na ni Gatchalian ang panig ng pulisya at pamilya Arnigo na nagbigay ng magkasalungat na mga pahayag sa nangyaring pagkamatay ng binatang may autism.
Ayon sa pamilya ng biktima, binaril ng isa sa mga pulis na kasama sa raiding team si Arnigo.
Batay pa sa nanay ng biktima, lumabas ang binata dahil gusto ng ice candy at pagkatapos nito ay doon na narinig ng ina ng biktima na binaril ang kanyang anak.
Pero sa kwento ng Valenzuela City police, nakipag-agawan ng baril ang binata.
Iginiit naman ng pamilya Arnigo na imposibleng sugurin ng binata ang raiding team dahil takot ito sa mga pulis at may autism.