Naglabas ang pamahalaang lokal ng Valenzuela City ng mga patakaran kaugnay sa pagsuspinde ng klase sa ilalim ng distance learning scheme.
Nakasaad sa guidelines na kapag ang Valenzuela ay saklaw ng bagyo na signal number 1 ay otomatikong suspendido ang klase sa pre-school o kindergarten ng lahat ng pampubliko at pribadong paaralan pero magpapatuloy ang online broadcast at class discussion sa pamamagitan ng Valenzuela live.
Kapag naman signal number 2 ang bagyo ay otomatikong suspendido ang klase mula pre-school hanggang elementary at high school sa lahat ng paaralan pati ang online streaming school ng lungsod.
Otomatiko namang suspendido ang lahat ng klase pati ang pasok sa tanggapan ng Department of Education (DepEd), pati na rin ang Valenzuela live, kapag itinaas na sa signal number 3 ang bagyo.
Kung walang bagyo, maari namang magpatupad si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ng localized suspension o kanselasyon ng klase sa pribadong at pampublikong paaralan kung kinakailangan.