Halos nangangalahati na sa target na populasyon na mabakunahan o katumbas ng 225,350 indibidwal na ang nabakunahan sa Valenzuela City hanggang kahapon.
Ang bilang na ito ay 47% ng kabuuang 476,000 na target mabakunahan sa lungsod para makamit ang herd immunity.
Ang Valenzuela City ang nanguna sa mga lungsod sa Metro Manila na may pinakamataas na COVID-19 vaccine utilization rate na nagamit ang 92% ng kanilang supply ng bakuna mula sa national government.
Pinasalamatan naman ni Mayor Rex Gatchalian ang mga taga-Valenzuela na patuloy na nagre-register sa kanilang online registration gayundin ang mga nagta-trabaho sa kanilang vaccination sites.
Dahil sa mabilis na pagbabakuna, pansamantala munang itinigil ngayon ng lokal na pamahalaan ang vaccination habang naghihintay pa ng bagong batch ng supply mula sa national government.