Hindi iuurong ng Valenzuela City Government ang plano nitong suspendihin ang business permit ng North Luzon Expressway (NLEX).
Ito ay kung hindi maaayos ng toll operator ang problema sa kanilang RFID system hanggang mamayang alas 5:00 ng hapon.
Matatandaang binigyan ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ng 72 oras ang NLEX para makapagsumite ng paliwanag hinggil sa nararanasang matinding traffic sa tollway at 24 oras para makapagsumite ng action plan.
Hindi rin pinagbigyan ng alkalde ang hiling ng pamunuan ng NLEX na bigyan sila ng 15 araw para maayos ang problema.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Gatchalian na halos pitong taon na niyang inirereklamo ang palpak na RFID system pero hindi ito sinolusyunan ng NLEX.
“Kung aayusin nila ang problema ng toll plaza, wala kaming pag-aawayan mamayang hapon. Pero kung hindi nila aayusin yan, tuloy na tuloy na isu-suspend natin ang kanilang business permit sa mga toll plaza nila na nasa Valenzuela City,” ani Gatchalian.
“Seven years na, hindi inaayos tapos ngayon lang nila sasabihin na aayusin. So hindi acceptable sa amin yung 15 days na hinihiling nila. Mananatili ang deadline mamayang hapon,” dagdag pa ng alkalde.
Inihalimbawa pa ng alkalde sa “highway robbery” ang nararanasang aberya ng mga motorista sa pagdaan sa NLEX kahit nakapagpakabit na sila ng RFID stickers.
“Lahat tayo nagkabit ng RFID lahat yon bayad in advance. Pero hindi nila tinutumbasan ng maayos na serbisyo. Kung ang isang bagay, kinolekta niya, dapat tumbasan niya ng maayos, convenient na serbisyo. E ito wala namang serbisyong bumabalik so bakit hawak-hawak nila yung milyun-milyong pera ng taumbayan?”
Sakaling tuluyang masuspinde ang business permit, tiniyak ng alkalde na makakadaan pa rin sa NLEX ang mga motorista.
“Ise-serve namin yung suspension ng business permit tapos itataas natin yung mga barricade doon para tuloy-tuloy pa rin ang daloy ng traffic. Kasi remember, yung concession agreement naman ng NLEX sa pamahalaang nasyonal, labas ako doon e, buhay pa yung concession agreement na yun. Ibig sabihin, obligado pa rin silang mag-provide ng highway services sa taumbayan pero wala silang business permit so bawal sila mangkolekta ng toll fee dito sa lupain ng Valenzuela. Ang bottom line, toll holiday ang epekto,” saad pa ng alkalde.
Samantala, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, bukod sa toll operators, dapat ding managot sa nararanasang RFID glitches ang Toll Regulatory Board (TRB).