Mananatili ang “Toll holiday” sa Valenzuela City hangga’t hindi nasu-solusyonan ng pamunuan ng North Luzon Expressway Corporation ang techinical glitches sa kanilang RFID system.
Ito ang paninindigan ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian matapos ang isinagawang pagpupulong kahapon sa pagitan ng NLEX Corporation bunsod na rin ng mga aberya sa pagpapatupad ng cashless toll payment scheme na nagdulot ng matinding trapiko, double charging at ghost rider.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Mayor Gatchalian na handa ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela na tanggalin ang ipinataw na suspension order sa business permit ng NLEX Corporation kung magkakasundo sila sa ‘barriers-up’ sa mga toll plaza.
Bukod dito, pina-aayos din ng alkalde ang RFID system ng NLEX matapos na matuklasan na 4 watts lang ng kuryente ang kanilang ginagamit, imbes na 8 watts dahilan kaya mabagal ang pagbasa sa mga nakakabit na sticker sa mga sasakyan.
Giit ni Gatchalian, wala na sa kanila ang bola, kundi nasa pamunuaan na ng NLEX kung saan malaki ang malulugi sa kanila kung patatagalin pa ang pag-sasaayos ng mga aberya sa RFID sa mga toll plaza.
Una nang hiniling ng pamunuan ng NLEX ng karagdagang panahon para pag-aralan ang ‘barriers-up solution’ at nangako ring aayusin ang kanilang sistema bago ang pagsapit ng Enero 30, 2021.