Valenzuela LGU, hinto muna sa pamamahagi ng vaccination appointment

Inanunsyo ng Valenzuela City government na hanggang ngayong araw na lang muna ang pamamahagi ng mga vaccination appointment para sa 1st dose ng COVID-19 vaccine.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ito ay habang hinihintay ang karagdagang supply ng bakuna laban sa COVID-19.

Tiniyak naman ng Valenzuela Local Government Unit (LGU) na walang dapat ipag-alala ang mga hindi pa nababakunahan dahil may mga darating pang bakuna.


Tuloy naman ang mga naka-schedule na tumanggap ng kanilang 2nd dose ng lahat ng brand ng COVID-19 vaccine.

Samantala, nasa 1,583 naman ang naitala ngayong aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan 179 ang bagong nadagdag na nahawaan ng virus habang 240 ang mga bagong gumaling.

Facebook Comments