Ipinapatupad na sa Valenzuela ang Bayaning Delivery Rider Welfare Ordinance.
Sa ilalim ng ordinansa ay inaatasan ang mga establisyimento na may puhunan na mahigit sa ₱3 milyon na magtayo ng malinis at ligtas na espasyo para sa mga delivery rider.
Dapat ito ay mayroong mga upuan na may sapat na distansya para sa hindi bababa sa sampung delivery rider at dapat mayroon din silang ligtas na parking space.
Iniuutos din ng ordinansa na dapat may access ang delivery rider sa handwashing station na may sabon at alcohol at sa charging station para sa kanilang mga gadgets.
Nakatakda rin sa ordinansa ang pagbibigay sa kanila ng purified drinking water at disposable cups.
Kung indoor ang ilalaan na espasyo para sa mga delivery riders ay dapat siguraduhin na ito ay may sapat na ventilation at may high-efficiency air filters.
Kailangan ding nasusunod ang mga health and safety measures at regular na pag-disinfect sa mga espasyong nakalaan para sa delivery rider.
Exempted naman o hindi inoobligang sumunod sa ordinansa ang mga home-based na negosyo, gayundin ang mga maliliit na negosyo tulad ng sari-sari store, karinderya, canteen at iba pa.