Aminado ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela na posibleng bumaba ang bilang ng kanilang mga residente na magpapa-booster shot kontra COVID-19.
Ito’y matapos na ipatupad ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa loob at labas ng ilang piling establisyimento.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, mahihirapan na silang kumbinsihin ang iba nilang residente na magpa-booster shot dahil sa tingin ng karamihan ay maluwag naman na ang ilan patakaran kontra COVID-19.
Bagama’t suportado ng alkalde ang anumang desisyon ng national government, nangangamba sila na muling tumaas ang bilang ng mahahawaan dahil iisipin ng iba na hindi na banta sa buhay ang nasabing sakit.
Giit pa ni Mayor Wes, mahihirapan din silang maabot ang target na bilang ng matuturukan ng booster shot base na rin sa inilabas na kautusan ng Department of Health (DOH) na 90% ng kanilang populasyon ang dapat na makatanggap nito.
Aminado rin si Mayor Wes na dahil sa desisyon ng pamahalaan hinggil sa boluntaryong pagsusuot ng face mask, mas lalong naapektuhan ang ikinakasa nilang vaccination program.
Dagdag pa ng alkalde, kahit anong paghihimok ang gawin ng kanilang mga tauhan ay hindi pa rin sumasang-ayon ang kanilang mga residente.
Matatandaan na naging bahagi ng vaccination program ng Valenzuela LGU ang pamimigay ng gift check sa mga senior citizen matapos silang sumalang sa booster shot kontra COVID-19.