Validated election-related violence, umakyat pa sa 16 – PNP

Umabot na sa 63 ang naitalang election-related violence ng Philippine National Police (PNP) simula nang magsimula ang campaign period noong Enero 9 hanggang ngayong araw, Mayo 8.

Pero sa nasabing bilang, 41 ang lumalabas na walang kinalaman sa eleksyon, habang anim ang suspected election-related.

Umakyat naman sa 16 ang bilang ng mga validated election-related violent incidents ng PNP sa buong bansa, isang araw bago ang halalan bukas.


Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, nadagdag sa bilang ang nangyaring shooting incident sa Magsingal, Ilocos Sur nitong Sabado kung saan sangkot ang supporters ng dalawang magkatunggaling mayoral candidates sa nasabing bayan.

Apat ang nasawi sa barilan habang apat din ang sugatan.

Dalawa naman ang agad na naaresto habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng ibang nakatakas.

Pero sabi ni Police Brigadier General Westrimundo Obinque, regional director ng Police Regional Office 1, maituturing na isolated case ang naturang shootout dahil nananatili pa rin namang mapayapa ang sitwasyon sa buong Ilocos Sur at sa Ilocos-Pangasinan region.

Ayon naman kay Fajardo, nananatiling mababa ang naitalang election-related incidents ngayong taon kumpara noong panahon ng halalan noong 2016 at 2019.

Nabatid na noong 2016 ay nakapagtala ang PNP ng 133 election-related violent incidents habang 60 in 2019.

Facebook Comments