VALIDATION PARA SA 2022 SGLG, ISINAGAWA SA LGU CAUAYAN

Cauayan City, Isabela- Isinailalim ngayong araw sa validation ng Regional Assessment Team ng DILG ang LGU Cauayan para sa Seal of Local and Good Governance o SGLG 2022.

Isinagawa ito sa SDO Cauayan City kung saan isa-isang sinuri ang bawat area na tinitignan ng DILG para sa pagbibigay ng SGLG award.

Sa ating panayam kay Ms Maybelle Anog, Chief of LGMED ng DILG RO2, isang araw lamang aniya ang kanilang validation at nasuri na ang ilan sa mga areas kung saan may ilang nakita na kailangan pang i-comply at pagbutihin ng LGU.

May assessment tool aniya na ibinigay ng DILG na kailangang sundin at maipasa ng mga indicators para makuha ang naturang parangal.

Pagkatapos ng kanilang assessment, magbibigay sila ng feedback sa resulta ng kanilang ginawang validation para sa compliance.

Kaugnay nito, dadaan pa sa maraming proseso ang pagbibigay ng nasabing award at kung makakapasa sa mga validations ay mapapabilang sa recipient ng SGLG.

Umaasa naman si Anog na makukuha muli ng LGU Cauayan ang SGLG Award kung saan huli itong nakamit ng Lungsod noong taong 2017 hanggang 2019.

Facebook Comments