Validity ng mga lisensya ng baril at permit to carry firearms, pinalawig ng PNP

 

Pinalawig ng Philippine National Police (PNP) ang validity ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF).

Ito’y alinsunod na rin sa National Police Commission’s (NaPolCom) Resolution No. 2023-1702.

Ayon kay PNP Civil Security Group Director PMGen. Benjamin Silo Jr., mas matatagalan na ang pagre-renew ng mga gun owner sa kanilang License to Own and Possess Firearms dahil mula sa isa ay magiging lima hanggang sampung taon na ang bisa nito habang ginawa na ring dalawang taon ang validity ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence mula sa dating isang taon.


Gayunman, sinabi ni Silo na kaakibat ng pinalawig na validity ng LTOPF at Permit to Carry firearms ay tataas naman ang mga bayarin sa pagkuha ng lisensya depende sa kung gaano katagal ito nanaisin ng isang gun owner.

Epektibo ang adjusted fees para sa LTOPF at Permit to Carry firearms simula March 16, 2024.

Kaugnay nito, sinabi ni Silo na pabor ang mga gun owner sa bagong panuntunan pero kung nais pa ring makatipid, hinikayat ng PNP Civil Security Group (CSG) ang mga gun owner na mag-renew na ng lisensya bago magsimula ang pagpapatupad ng bagong patakaran sa darating na March 16.

Facebook Comments